Sa banal na tatlong araw matapos ang Kuwaresma, ipinagdiriwang ng buong Simbahan ang pinakadakilang misteryo ng ating kaligtasan – ang pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Panginoon, ang kaganapang nagdulot ng ating kalayaan mula sa kasalanan at kamatayan, nagbigay-daan upang makapagkaisa tayo sa Diyos Ama at nagdulot na magkaroon ng Simbahang ikinasal kay Kristo sa krus. Ito ang pinakapuso ng ating pananampalataya, ang misteryo na nagbibigay-kahulugan sa ating pagka-Kristiyano at pagiging Simbahan. Ganito na lamang katindi at kabigat ang laman ng mga araw na ito kung kaya’t sa buong taon, ito ang pinakatangi at pinakadakilang mga araw. Ito na ang pinakapuso at pinakarurok ng taong-liturhikal. Sa pamamagitan ng pagdiriwang nito, sa mga ritwal at salita, nararanasan at nadadala natin sa kasalukuyan ang gawaing pagliligtas ng Panginoon. Nakiki-isa tayo kay Kristo, na siyang ulo ng Simbahan, sa kanyang ginawang pag-aalay ng kanyang sarili at muling pagkabuhay alang-alang sa atin. Sa pag-alala at pagsasa-ngayon natin ng kanyang gawaing kaligtasan sa liturhiya, nararanasan natin ang kaligtasang ito – kung paanong nang si Kristo’y namatay, ipinasa niya ang Espiritu sa kanyang Simbahan, tayong nagdiriwang nito ay nilulukuban din ng kanyang Espiritu.
Mula Noon Hanggang Ngayon
Sa kasaysayan ng pagsambang Kristiyano, ang orihinal na kapistahan ay ang Linggo – ang araw ng paglikha at muling pagkabuhay. Sa unang siglo ng pag-iral ng Simbahan, nagkaroon ng taunang pagdiriwang ng misteryong pinagdiriwang tuwing Linggo. At ito nga ang pagdiriwang ng Easter. Kung paanong mahalaga ang bawat Linggo sa bawat Kristiyano, ganito rin ang taunang pagdiriwang na ito. Ang pagdiriwang natin sa kasalukuyan ng Triduong ito ay malaki ang pagkakahawig sa mga sinaunang pagdiriwang. Hinango ang ating Triduo sa ngayon mula sa ginagawa noon pa sa Roma at sa Jerusalem, kung kaya’t dapat nating igalang at panatilihin ang ayos na minana natin. Ngunit gaya ng maraming bagay sa Simbahan, natabunan at halos nakalimutan ang pagdiriwang na ito at napalitan ng mga bagay na hindi singhalaga. Ito ang dapat nating pakaingatang huwag mangyari – bigyan natin ng halaga ang mga dapat pag-ukulan nito. Sa reporma lamang ng ikalawang konsilio ng Vaticano naibalik ang napakagandang pagdiriwang na ito.
Pahalagahan nang Tama
Ito dapat ang pinakamahalagang pagdiriwang para sa lahat ng Kristiyano. Pero madalas, natatabunan ito ng pintakasi sa mga santo, maging ng Pasko o ng mga debosyon, kahit pa sa misteryong pinagdiriwang dito tayo naligtas at hindi dahil sa mga ipinapalit natin dito. Kung kaya’t marapat lamang na tunay itong paghandaan, pagyamanin at ipagdiwang ng buo ng bawat pamayanan. Sa pagdiriwang nito, sapat dapat ang mga lingkod, puno dapat ng awit at matingkad at maganda dapat ang mga tanda na ginagamit sapagkat sa mahusay na pagganap dito nakasalalay ang pagdanas ng pamayanan ng kaligtasang inaalala at isinasa-ngayon natin.
Liturhiya at Debosyon
Nagsisimula ang Triduong ito sa pagdiriwang sa pagtatakipsilim ng paghahapunan ng Panginoon (evening celebration of the Lord’s Supper) at natatapos sa panalangin sa gabi ng Linggo ng Pagkabuhay. Ipinagdiriwang natin ito sa pamamagitan ng liturhiya – ang pagdiriwang sa pagtatakipsilim ng paghahapunan ng Panginoon, pagdiriwang ng pagpapakasakit ng Panginoon (celebration of the Lord’s Passion) at ng magdamagang pagdiriwang ng pasko ng pagkabuhay (Easter Vigil) na iisang pagdiriwang lang, at ng panalangin ng Kristiyano sa maghapon (Liturgy of the Hours); at sa pamamagitan ng mga debosyon – mga prusisyon, Daan ng Krus, at iba pang gawain.
1 Pagdiriwang sa 3 Araw
Ang liturhiya ng Triduo na nabanggit ay iisang pagdiriwang lamang. Magsisimula ito sa pagpasok (entrance procession) ng Huwebes ng Gabi at matatapos sa paghayo (dismissal) pagkatapos ng pagdiriwang ng pagkabuhay. Wala ring pagkukrus at pagpasok sa Biyernes Santo at gabi ng Sabado de Gloria. Alam dapat ng mga tao na babalik sila para sa pagpapatuloy. Dapat makita ang kaisahan ng tatlong bahaging ito – kaisahang gawa ng kaisahan din ng kamatayan at muling pagkabuhay.
Pinaghahandaan ang Mahusay na Pagdiriwang
Malaking hamon sa atin na gawing maganda at makahulugan ang pagdiriwang ng mga araw na ito. Para sa layuning ito, mahalaga na magkaroon ng katekesis para sa mga tao para alam nila ang gagawin at makibahagi sila nang mas mahusay. Sa pagpaplano din, tandaan na mas mahalaga ang liturhiya kaysa sa mga prusisyon at debosyon at maging tapat dapat ang mga naghahanda ng pagdiriwang sa nakasaad sa mga librong liturhikal – hindi dapat lumalabas dito ang ating mga gagawin. Mas magiging makahulugan ito kung hindi ito puputulin dahil sa nahahabaan lamang o dahil tinatamad. Tandaan rin na ang liturhiya ay hindi isang palabas at ang mga nakikibahagi dito ay hindi lamang mga tagapanood. Kapag ang pagdiriwang ay napaghandaan, naganap nang may sapat na lingkod, musika at kabanalan nang nakikibahagi ang buong Mistikal na Katawan ni Kristo, tiyak na magagawa ng liturhiya ang pagluluwalhati sa Diyos at pagpapabanal sa tao.
Jeffrey Velasco
Hango mula sa Paschales Solemnitatis, Missale Romanum, A Theology of the Holy Week and Easter Triduum ni Anscar Chupungco OSB, Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit at Muling Pagkabuhay ng Panginoon ni Msgr. Andres Valera
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment