Magsisimula ang Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay (Easter Vigil) sa Pagpaparangal sa Ilaw (Service of Light). Gagawin ito sa isang lugar sa labas ng simbahan, hangga’t maaari sa lugar na kung saan makakapagprusisyon nang may bahagyang kahabaan ang mga tao. Sisindihan ang isang apoy at mula sa apoy nito ay sisindihan ang Cirio Paschale (Paschal Candle). Sa paghahanda ng apoy na ito, tandaan na hindi ito palabas kung kaya’t hindi kailangang gumamit ng pyrotechnics o ng karaniwang ginagamit na ‘bulalakaw.’ Naibabaling kasi sa mga ito ang pansin ng lahat sa halip na sa Cirio Paschale na sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ay tanda ng Panginoong Muling Nabuhay. Hindi rin kailangang malaki ang apoy dahil ipangsisindi nga ito ng kandila. Babasbasan ng tagapamuno ang apoy.
Ihahanda ng tagapamuno ang Kandila ng Pagkabuhay. Sa paglalagay ng mga tanda sa Kandila, gumamit ng espesyal na stylus – tandaan na ang ginagamit sa liturhiya ay hindi dapat basta-basta. Maaaring bago gawin ito ng pari ay magbigay ng katekesis ang commentator tungkol sa mga tandang ito o kahit bago pa ang pagdiriwang (kahit bago pa ang Triduo). Pagkatapos ihanda, ito ay sisindihan at iinsensuhan (ang uling ay sisindihan sa parehong apoy). Ang apoy ay hahayaan hanggang sa ito ay maubos (hindi maaaring sadyang patayin sapagkat ito’y binasbasan). Itataas ng diakono o ng tagapamuno ang Kandila habang sinasabi ang nakasaad sa Aklat ng Pagmimisa at tutugon naman ang tao. Lalakad ang lahat, pinangungunahan ng Cirio Paschale na dala ng diakono o ng tagapamuno. Pagsapit sa pintuan ng simbahan, itataas muli ng diakono o tagapamuno ang Kandila habang sinasabi ang nakasaad sa Aklat na tutugunan naman ng mga tao. Sisindihan ng lahat ang kani-kanilang kandila mula sa apoy ng Kandila ng Pagkabuhay. Magsisipasok ang lahat sa simbahan. Lalakad ang diakono o tagapamuno patungo sa dambana. Dito, itataas muli ang Kandila at magsasagutan. Sa tradisyon ng Simbahang Romano, sa ikatlong paanyayang ito sinisindihan ang lahat ng ilaw ng simbahan. Pero para sa mga Pilipino nakagawian nang patay ang ilaw hanggang Gloria, sapagkat ayon sa paliwanag, hindi pa magliliwanag habang Lumang Tipan pa ang binabasa – wala pa si Kristo. Ang Kandila ng Pagkabuhay ang tanda ni Kristong muling nabuhay.
Ilalagay ang Kandilang ito malapit sa Ambo, at ang liwanag nitong kandilang ito ang magsisilbing ilaw para pagnilayan ang Salita ng Diyos. Maaaring insensuhan ang Kandila. Sa buong panahon ng Pagkabuhay, itong kandilang ito lamang ang tatabi sa Hapag ng Salita (walang mga lingkod na may dalang kadelaryo). Ipahahayag ang Exultet. Kapag may diakono, hihingi siya ng pagbabasbas mula sa tagapamuno. Maaaring hindi diakono ang umawit ng Exultet, maaaring pari o maaaring cantor, na hindi na kailangan ng pagbabasbas. Kapag cantor ang aawit, hindi niya babanggitin ang mga bahagi na hindi para sa kanya. Maaaring insensuhan ang Aklat ng Exultet bago ang pagpapahayag. Mananatiling nakatayo ang lahat habang hawak ang kanilang kandilang may sindi. Matapos ang Exultet, papatayin ng lahat ang kanilang dalang kandila at magsisiupo.
Liturhiya ng Salita
Ang Liturhiya ng Salita sa gabing ito ay alaala ng sinaunang gawain na magninilay sa Salita ng Diyos hangga’t kaya ng oras. Mayroong siyam na pagbasa na nagbabaliktanaw sa kasaysayan ng kaligtasan, una kaligtasan para sa bayan ng Israel, hanggang sa para sa Simbahan, at para sa bawat Kristiyano – sa pamamagitan ng tinanggap (at tatatanggaping binyag). Maaaring paiksiin ang Liturhiya ng Salita ngunit hindi dapat ito paiksin dahil lamang sa katamaran o sa pagmamadali. Ang pagbabago o pagpapaiksi dito ay maka-aapekto sa pagdanas ng anamnesis ng mga tao.
Sa unang pagbasa, matutunghayan ang kuwento ng paglikha, ang unang yugto ng kaligtasan. Sa ikalawang pagbasa, maririnig ang kuwento ng pag-aalay ni Abraham ng kanyang anak na si Isaac – kuwentong kahalintulad ng pag-aalay ng Anak ng Diyos ng kanyang sarili para sa sangkatauhan. Sa ikatlong pagbasa, hahawiin ng Diyos ang dagat para sa bayang Israel, nang makatawid sila at maligtas mula sa kamay ng mga Ehipto. Sa ikaapat na pagbasa, inangkin ng Diyos na parang asawa ang bayang hinirang niya at pinangakuang iibigin nang walang hanggan. Sa ikalimang pagbasa, ibinibigay ng Diyos ang kanyang pagpapala, at inaanyahahan ang mga nauuhaw at nagugutom na tanggapin ito mula sa kanya. Sa ika-anim na pagbasa, ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang Karunungan, ang Salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Sa ikapitong pagbasa, ipinangangako ng Panginoon ang bagong buhay sa kanyang bayan na kanyang pagpapanibaguhin at lilinisin at pagkakalooban ng bagong puso at ng Espiritu upang mamuhay para sa kanya.
Sa pagbasa, maaaring magpakita ng angkop na larawan (hindi maaaring gumagalaw dahil maaagaw ang pansin sa pagpapahayag) sa projector para mas maintindihan ng tao ang binabasa.
Sa bawat pagbasa, may kasunod na Salmong Tugunan at panalangin. Mas gaganda ang pagdiriwang kung ang mga Salmong ito ay aawitin. Pareho ang mga pagbasa at salmo taun-taon kung kaya’t maganda kung makakapangalap ng piyesa ang mga parokya para dito para may magamit kada taon. Ang mga ihahaliling awit ay dapat halaw sa Salmo na nasa Aklat ng Pagbasa.
Aawit ng Gloria matapos ang panalangin sa ikapitong pagbasa. Sa nakagawian sa Pilipinas, sa puntong ito sisindihan ang lahat ng ilaw sa simbahan at gagayakan ang simbahan. Maaaring ipatong ang Aklat ng Mabuting Balita sa altar. Maaari ring insensuhan ang altar. Maaari rin na ikarakol (kung karaniwang ginagawa) ang imahe ng Pagkabuhay. Iwasan ang mga pagsasadula ng pagkabuhay at mga palabas na parang sa COD na kung saan ang imahen ay lalabas sa isang kuweba na may usok at mga tunog. Hindi sa isang punto sa pagdiriwang nabuhay muli si Kristo at kung may punto man, ito ay nang sindihan ang Kandila ng Pagkabuhay.
Ang Panalanging Pambungad ay ipahahayag ng tagapamuno matapos ang Gloria.
Sa ikawalong pagbasa na sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma, nararanasan ng Kristiyano ang kaligtasan sa binyag na kung saan namatay siya sa kasalanan at nabuhay muli kasama ni Kristo. Matapos ang pagbasa, aawitin ang Salmo na ang tugon ay Aleluya. Maaaring simulan ito ng tagapamuno gaya ng nakagawian sa Simbahang Romano. Ito ang tumatayong pagpaparangal sa Mabuting Balita. Magsisitayo na ang lahat at maaari nang iprusisyon ang Aklat ng Mabuting Balita. Ang Mabuting Balita ay patungkol sa di pagkakita ng mga babae sa bangkay ni Hesus sa bukas na libingan. Matapos nito, magbibigay ng homiliya.
Liturhiya ng Binyag
Napakahalaga ng Binyag sa pagdiriwang na ito dahil dito ipinakikita ang isang bagong buhay na hatid ng muling pagkabuhay ng Panginoon. Maaaring binyagan ang mga sanggol sa gabing ito, ngunit higit na makahulugan ang pagbibinyag sa mga may isip na. Ang mga catechumens ay hinubog sa loob ng 40 araw simula noong Miyerkules ng Abo. Nakiisa sila sa paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoon sa Binyag. Sa gabing ito, tanda ng pakikiisa kay Kristo, tatlong sakramento ang matatanggap ng mga binyagang nasa sapat ng gulang: ang binyag, kumpil at unang pakikinabang.
Ang lugar ng Binyagan o Baptismal Font ay dapat ihanda. Sa bawat simbahan ng parokya, napakahalaga ng lugar ng binyagan o baptismal font dahil ito ang sinapupunan ng Simbahan na kung saan ipinapanganak ang mga bagong miyembro nito. Ito ay hindi dapat isang palanggana na gawa sa metal o plastic, dapat ito ay may dignidad at kagandahan na nararapat sa kahulugan at kahalagahan ng Sakramento. Kung ang baptismal font ay hindi pa nababasbasan, ang gabi ito ay tamang oras upang gawin ang pagbabasbas.
Ang tubig pambinyag ay babasbasan sa gabing ito na siya namang gagamitin sa pagbibinyag di lamang sa gabing ito kundi sa buong Pasko ng Pagkabuhay. Iba ito sa Holy Water na pambabasbas ng mga imahen, bahay, at iba pa. Ito ay tubig na para lamang sa Binyag. May bibinyagan man o wala, dapat magkaroon ng pagbabasbas ng tubig ng binyag. Kung walang baptismal font na babasbasan at bibinyagan, ang pagbabasbas ng tubig ay gagawin kaagad.
Ang pagsamo sa mga Santo ay aawitin kung may bibinyagan. Hindi maaring magdagdag ng mga banal na tao na hindi pang idinedeklarang Santo ng Roma.
Bilang tanda ng ating pakikiisa sa misteryo ng Paskuwa ng Panginoon na ating natanggap noong tayo ay bininyagan, sinasariwa natin ang pangako natin sa Binyag: ang pagtalikod sa kasalanan at kasamaan at ang pagpapahayag ng pananampalataya sa Banal na Santatlo. Ang pagwiwisik ng tubig ng binyag ay gagawin din paalala ng ating binyag.
Sa panalangin ng bayan, ipapanalangin ang Simbahan, kaligtasan ng mundo, mga may tanging pangangailangan, ang pamayanan at ang mga bagong binyagan. Kasama dapat sa buong Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ang luhog para sa mga bagong binyagan.
Ang Pagdiriwang ng Eukaristiya
Ang Eukaristiya ay ang ritwal na pag-alala sa pagpapakasakit at muling pagkabuhay ni Kristo kung saan tayo naligtas, samakatuwid, ang laman ng buong Triduo. Ang pagdiriwang nito ay hindi dapat madaliin at dapat mapatingkad. Maganda rin na magkaroon ng paliwanag sa mga bahagi nito para sa bagong binyagan.
Maaring anyayahan ang mga bagong binyagan na ihandog ang tinapay at alak sa paghahandog ng mga alay.
Kung gagamitin man ang Unang Panalangin ng Papuri at Pasasalamat, may natatanging panalangin na dapat maisama para sa gabing ito.
Sa paghahati ng tinapay at sa paganyaya sa pakikinabang, maaring banggitin ng paring tagapamuno pagkatapos ng “Ito ang Kordero ng Diyos…” ang ilang pananalita ng pagpapaliwanag para sa mga bagong binyagan, na tatanggap ng unang pakikinabang, ang kahalagahan ng pagtanggap sa Katawan ni Kristo.
Easter Blessing
Ang natatanging pagbabasbas para sa pagidiriwang na ito ay dapat gamitin upang maging lakas ng mga dumalo para isabuhay ang diwa ng misteryo ng Paskuwa sa mundong kanilang ginagalawan.
Salubong
Para mabigyan nang karapatdapat na pagpapahalaga ang Magdamagang Pagdiriwang na ito (dahil madalas, sapaw ang Salubong), maaaring idugtong sa hulihan nito ang Salubong, na isa lamang debosyon. Sa ganitong paraan, hindi rin magiging masyadong mabigat para sa mga lingkod sa parokya ang Pasko ng Pagkabuhay.
No comments:
Post a Comment