Showing posts with label easter triduum. Show all posts
Showing posts with label easter triduum. Show all posts

Sunday, April 8, 2007

Ang Tatlong Araw na Nagpabago sa Buong Mundo

Sa banal na tatlong araw matapos ang Kuwaresma, ipinagdiriwang ng buong Simbahan ang pinakadakilang misteryo ng ating kaligtasan – ang pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Panginoon, ang kaganapang nagdulot ng ating kalayaan mula sa kasalanan at kamatayan, nagbigay-daan upang makapagkaisa tayo sa Diyos Ama at nagdulot na magkaroon ng Simbahang ikinasal kay Kristo sa krus. Ito ang pinakapuso ng ating pananampalataya, ang misteryo na nagbibigay-kahulugan sa ating pagka-Kristiyano at pagiging Simbahan. Ganito na lamang katindi at kabigat ang laman ng mga araw na ito kung kaya’t sa buong taon, ito ang pinakatangi at pinakadakilang mga araw. Ito na ang pinakapuso at pinakarurok ng taong-liturhikal. Sa pamamagitan ng pagdiriwang nito, sa mga ritwal at salita, nararanasan at nadadala natin sa kasalukuyan ang gawaing pagliligtas ng Panginoon. Nakiki-isa tayo kay Kristo, na siyang ulo ng Simbahan, sa kanyang ginawang pag-aalay ng kanyang sarili at muling pagkabuhay alang-alang sa atin. Sa pag-alala at pagsasa-ngayon natin ng kanyang gawaing kaligtasan sa liturhiya, nararanasan natin ang kaligtasang ito – kung paanong nang si Kristo’y namatay, ipinasa niya ang Espiritu sa kanyang Simbahan, tayong nagdiriwang nito ay nilulukuban din ng kanyang Espiritu.

Mula Noon Hanggang Ngayon
Sa kasaysayan ng pagsambang Kristiyano, ang orihinal na kapistahan ay ang Linggo – ang araw ng paglikha at muling pagkabuhay. Sa unang siglo ng pag-iral ng Simbahan, nagkaroon ng taunang pagdiriwang ng misteryong pinagdiriwang tuwing Linggo. At ito nga ang pagdiriwang ng Easter. Kung paanong mahalaga ang bawat Linggo sa bawat Kristiyano, ganito rin ang taunang pagdiriwang na ito. Ang pagdiriwang natin sa kasalukuyan ng Triduong ito ay malaki ang pagkakahawig sa mga sinaunang pagdiriwang. Hinango ang ating Triduo sa ngayon mula sa ginagawa noon pa sa Roma at sa Jerusalem, kung kaya’t dapat nating igalang at panatilihin ang ayos na minana natin. Ngunit gaya ng maraming bagay sa Simbahan, natabunan at halos nakalimutan ang pagdiriwang na ito at napalitan ng mga bagay na hindi singhalaga. Ito ang dapat nating pakaingatang huwag mangyari – bigyan natin ng halaga ang mga dapat pag-ukulan nito. Sa reporma lamang ng ikalawang konsilio ng Vaticano naibalik ang napakagandang pagdiriwang na ito.

Pahalagahan nang Tama
Ito dapat ang pinakamahalagang pagdiriwang para sa lahat ng Kristiyano. Pero madalas, natatabunan ito ng pintakasi sa mga santo, maging ng Pasko o ng mga debosyon, kahit pa sa misteryong pinagdiriwang dito tayo naligtas at hindi dahil sa mga ipinapalit natin dito. Kung kaya’t marapat lamang na tunay itong paghandaan, pagyamanin at ipagdiwang ng buo ng bawat pamayanan. Sa pagdiriwang nito, sapat dapat ang mga lingkod, puno dapat ng awit at matingkad at maganda dapat ang mga tanda na ginagamit sapagkat sa mahusay na pagganap dito nakasalalay ang pagdanas ng pamayanan ng kaligtasang inaalala at isinasa-ngayon natin.

Liturhiya at Debosyon
Nagsisimula ang Triduong ito sa pagdiriwang sa pagtatakipsilim ng paghahapunan ng Panginoon (evening celebration of the Lord’s Supper) at natatapos sa panalangin sa gabi ng Linggo ng Pagkabuhay. Ipinagdiriwang natin ito sa pamamagitan ng liturhiya – ang pagdiriwang sa pagtatakipsilim ng paghahapunan ng Panginoon, pagdiriwang ng pagpapakasakit ng Panginoon (celebration of the Lord’s Passion) at ng magdamagang pagdiriwang ng pasko ng pagkabuhay (Easter Vigil) na iisang pagdiriwang lang, at ng panalangin ng Kristiyano sa maghapon (Liturgy of the Hours); at sa pamamagitan ng mga debosyon – mga prusisyon, Daan ng Krus, at iba pang gawain.

1 Pagdiriwang sa 3 Araw
Ang liturhiya ng Triduo na nabanggit ay iisang pagdiriwang lamang. Magsisimula ito sa pagpasok (entrance procession) ng Huwebes ng Gabi at matatapos sa paghayo (dismissal) pagkatapos ng pagdiriwang ng pagkabuhay. Wala ring pagkukrus at pagpasok sa Biyernes Santo at gabi ng Sabado de Gloria. Alam dapat ng mga tao na babalik sila para sa pagpapatuloy. Dapat makita ang kaisahan ng tatlong bahaging ito – kaisahang gawa ng kaisahan din ng kamatayan at muling pagkabuhay.

Pinaghahandaan ang Mahusay na Pagdiriwang
Malaking hamon sa atin na gawing maganda at makahulugan ang pagdiriwang ng mga araw na ito. Para sa layuning ito, mahalaga na magkaroon ng katekesis para sa mga tao para alam nila ang gagawin at makibahagi sila nang mas mahusay. Sa pagpaplano din, tandaan na mas mahalaga ang liturhiya kaysa sa mga prusisyon at debosyon at maging tapat dapat ang mga naghahanda ng pagdiriwang sa nakasaad sa mga librong liturhikal – hindi dapat lumalabas dito ang ating mga gagawin. Mas magiging makahulugan ito kung hindi ito puputulin dahil sa nahahabaan lamang o dahil tinatamad. Tandaan rin na ang liturhiya ay hindi isang palabas at ang mga nakikibahagi dito ay hindi lamang mga tagapanood. Kapag ang pagdiriwang ay napaghandaan, naganap nang may sapat na lingkod, musika at kabanalan nang nakikibahagi ang buong Mistikal na Katawan ni Kristo, tiyak na magagawa ng liturhiya ang pagluluwalhati sa Diyos at pagpapabanal sa tao.

Jeffrey Velasco

Hango mula sa Paschales Solemnitatis, Missale Romanum, A Theology of the Holy Week and Easter Triduum ni Anscar Chupungco OSB, Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit at Muling Pagkabuhay ng Panginoon ni Msgr. Andres Valera

Magmahalan Kayo: Pagdiriwang sa Pagtatakipsilim ng Paghahapunan ng Panginoon

Paglubog ng araw ng Huwebes Santo, pumapasok ang buong Simbahan sa pinakabanal na tatlong araw sa pananampalataya. Ipinagdiriwang sa gabing ito ang Pagdiriwang sa Pagtatakipsilim ng Paghahapunan ng Panginoon (Evening Mass of the Lord’s Supper). Sa gabing ito, ginugunita at ginaganap natin ang pagtatatag ng Panginoon ng Eukaristiya, ang iniwan niya sa ating ritwal na pag-alala ng kanyang pag-aalay ng katawan at dugo sa krus. Itinatag din niya ang banal na orden na siyang mamumuno sa pamayanan sa pag-alalang ito. Itong dalawang pagtatatag na ito ay tumuturo naman sa pinakamahalagang punto ng gabing ito: ang utos ng pagmamahal. Ang gagawin na pag-aalay ni Kristo ng kanyang katawan at dugo sa krus sa kinabukasan, ang pag-aalay niya ng kanyang katawan at dugo sa krus sa kinabukasan sa Eukaristiya at pag-aalay na gaganapin at isasabuhay ng banal na orden ay paraan ng pagpapahayag niya ng kanyang pag-ibig – pag-ibig na siya nating dapat tularin.

Mga Paghahanda
Sarado dapat ang Adoration chapel. Wala rin dapat laman, o may takip ang Baptismal Font. Ang mga lumang langis para sa Maysakit at Banal na Krisma ay dapat nang sinunog bilang langis sa lampara sa may Banal na Sakramento. Gagayakan ng bulaklak ang santuaryo ngunit hindi dapat singdami ng sa Sabado de Gloria. Ang mahalaga sa Huwebes Santo, una, ay ang Altar ng Santuaryo sapagkat dito gaganapin ang Eukaristiya.

Pasimula
Magsisimula ang pagdiriwang sa pagpasok, na karaniwan sa Misa. Sa pagpasok na ito, maaaring kasama ang mga taong may gagawin sa pagdiriwang – mga lingkod sa dambana, mga tagabasa, mga huhugasan ang paa, mga tagapagbigay ng komunyon at mga pari. Dala ng mga lingkod ang insensaryo, krus, mga kandila at maaari nilang dalhin ang mga gagamiting sa paghuhugas; maaaring ilagay ang mga ito sa isang lugar sa santuaryo (ngunit hindi sa may altar) bilang paalala sa mga nagsisimba na may hugasang mangyayari. Dala naman ng diakono o ng tagabasa ang Aklat ng Mabuting Balita at ipapatong ito sa altar. Maaaring magsuot ang mga huhugasan ang paa ng espesyal na gayak na magsasabing sila ang huhugasan ng paa, ngunit hindi ito kailangan. Ang mga pari ay nakasuot ng puti.

Gaganapin ang Pasimula sa karaniwang paraan. Sa pag-awit ng Gloria, patutunugin ang lahat ng batingaw sa simbahan at pagkatapos nito, ang mga ito ay itatabi at di na patutunugin hanggang sa Gloria ng Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (Easter Vigil). Tradisyon ng Simbahang Romano ang hindi pagtugtog ng organ pagkatapos ng Gloria, at muling pagtugtog nito sa Gloria ng Easter Vigil.

Liturhiya ng Salita
Sa Liturhiya ng Salita, mayroong tatlong pagbasa kasama ang Mabuting Balita. Inuugnay sa unang pagbasa ang hapunang pampaskuwa ng mga Israelita sa Eukaristiya (ang Paschal meal ay paggunita sa kaligtasan mula sa Ehipto). Sa ikalawang pagbasa naman itinuturo ni Apostol San Pablo na ang Eukaristiya ay pamana sa atin ng Panginoon bilang pag-alala sa kanya hanggang sa kanyang pagbabalik. Ang Mabuting Balita ay patungkol sa paghuhugas ng paa na konkretong pagpapakita ng Panginoon ng kanyang utos na magmahal. Maganda kung kakantahin ang Salmong Tugunan. Hindi pa rin maaaring umawit ng Aleluya kung kaya’t ang gagamitin ay mga pamalit dito. Sa Homiliya, ipaliliwanag ng tagapamuno o homilist ang mga misteryong ipinagdiriwang sa gabing ito.

Paghuhugas ng Paa
Pagkatapos ng homiliya ay gaganapin ang paghuhugas ng paa. Gagawin ito nang walang sinasabi ang maghuhugas at huhugasan habang ang pamayanan ay umaawit ng angkop na awitin. Hindi ito panahon para magsariwa ng mga pangako sa ordinasyon ang pari – ginawa ito ng Huwebes Santo ng umaga sa Katedral; hindi rin ito panahon para ituro kung paano isasabuhay ang paglilingkod – ito ay ginawa na dapat sa homiliya. Ang mga salita sa bahaging ito ay makasisira lamang sa kapangyarihan ng mga kilos.

Panalangin ng Bayan
Pagkatapos ng paghuhugas, gaganapin ang Panalangin ng Bayan. Kung may kagustuhan na makapagsalita ang mga hinugasan, maaari silang pagbasahin ng mga pagluhog sa Panalangin ng Bayan. Maaari rin namang basahin ito ng ilang piniling bahagi ng pamayanan.

Paghahanda ng mga Alay
Sa Paghahanda ng mga Alay (Preparation of Gifts), maaaring dalhin ang Langis para sa Maysakit at Banal na Krisma na nakuha mula sa Misa ng Huwebes Santo nang umaga. Tatanggapin ito sa pamamagitan ng rite na nasa pahina . Sa gabing ito, kasama sa tinapay at alak ang mga alay para sa mga mahihirap (gifts for the poor) na gawain sa lahat ng Misa mula pa noong sinaunang Simbahan. Ipinakikita dito ang kaugnayan ng pagdiriwang ng pagsamba sa mga panlipunang tungkulin na kalingain ang kapwa lalo na ang nangangailangan. Maaaring magdala ang mga tao ng mga bagay na maaaring mapakinabangan ng mga mahihirap. Iwasan ang pag-aalay ng bulaklak at kandila, sapagkat ang mga palamuting ito ay dapat nang nakalagay sa altar bago pa magsimula ang pagdiriwang.

Dahil walang Liturhiya ng Eukaristiya sa susunod na araw, doble ang kailangang ostiya para sa gabing ito. Maghahanda dapat ng ipangpapakinabang para sa Biyernes Santo.

Magandang makapakinabang ang mga tao sa parehong tinapay at alak, ngunit huwag itong ipipilit kung sa sobrang daming tao ay magtatagal masyado ang pagdiriwang (pero hindi ibig sabihin, paiiksiin ang pagdiriwang; handa dapat ang mga tao sa mahabang pagmimisa). Kapag ganito ang mangyayari, maghahanda dapat ng maraming kalis at maraming alak. Ang lahat ng magiging dugo ni Kristo ay kailangang ubusin sa pakikinabang. Kung makikinabang sa dugo ni Kristo, maaaring isawsaw ang katawan sa dugo bago isubo o maaaring ibigay ang katawan at painumin sa kalis (ang mga mungkahing ito ay nakadepende kung alam ng mga nagsisimba kung paano ito gagawin, mas madali yaong unang mungkahi kung hindi alam ng mga tao).

Apat na Kilos ng Eukaristiya
Dahil ang pagdiriwang na ito ay paggunita sa pagtatatag ng Eukaristiya, hindi dapat madaliin ang mga mahahalagang kilos ng Eukaristiya – ang pagtanggap, pagpapasalamat, paghahati-hati at pagbibigay (take, give thanks, broke and give). Gamitin ang una o ang ikatlong Panalangin ng Pagpupuri’t Pasasalamat (Eucharistic Prayer) sa halip na pangkaraniwang ginagamit na ikalawa. Dahil sa istruktura ng ikaapat, hindi ito maaaring gamitin sapagkat hindi maaaring palitan ang prepasyo nito.

Walang Paghayo, Mayroong Paglalagak
Ang kakaiba sa pagdiriwang na ito ay hindi pagkakaroon ng paghayo sa katapusan. Ito ay sapagkat ang paghayo ay mangyayari sa katapusan ng pagdiriwang sa Sabado de Gloria (i.e. Easter Vigil). Sa halip ay pagkatapos ng mga patalastas, gaganapin ang paglilipat ng Banal na Sakramento sa Altar of Repose (para sa paksang ito, basahin sa pahina ). Sa ciborium nakalagay ang katawan ni Kristo at hindi sa monstrance. Maaari rin itong lagyan ng belo. Ipuprusisyon ito mula sa altar patungo sa paglalagyan nito hanggang sa Biyernes Santo habang umaawit ng Pange Lingua o ibang angkop na awit. Sa prusisyong ito, nangunguna ang krus, mga kandila at insensaryo at ang Banal na Sakramento na napapayungan ng pallium. Para sa dagdag na pakikibahagi ng mga tao, maaari silang pagdalahin ng kandila na maaaring gawing palamuti sa Altar of Repose. Pagdating sa Altar of Repose, ilalagay ang Banal na Sakramento sa loob, iinsensuhan at aawit ng Tantum Ergo at isasara ito. Hindi dapat nakalabas ang Banal na Sakramento dahil hindi ito Exposition kungdi ito ay Reposition. Maaaring magkaroon ng vigil sa harapan nito ngunit matatapos dapat ito pagdating ng hatinggabi.

Tatanggalin ang lahat ng gayak ng altar, mga bulaklak, kandila at iba pa. Kung hindi pa natatakpan ang krus bago mag-ikalimang Linggo ng Kuwaresma, dapat na itong takpan. Maaari na ring takpan ang mga santo at imahen. Ito ang tanda na tapos na ang pagdiriwang sa gabing ito.

Jeffrey Velasco
Hango mula sa Paschales Solemnitatis, Missale Romanum, Holy Thursday: Liturgy and Pastoral Considerations ni Melchor CamiƱa, SLL, Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit at Muling Pagkabuhay ng Panginoon ni Msgr. Andres Valera

IPINAKITA NIYA SA KANILA KUNG HANGGANG SAAN ANG KANYANG PAG-IBIG: PAGDIRIWANG NG PAGPAPAKASAKIT NG PANGINOON

Ang araw ng Biyernes Santo ay para sa paggunita ng pagpapakasakit ng Panginoon, ang kanyang ginawang pag-aalay ng kanyang sarili para sa buong sangkatauhan at ang pagpaparangal sa krus na banal. Sa araw na ito hindi gaganapin ang kahit anong sakramento kahit Misa kung kaya’t ang ating liturhiya sa araw na ito ay walang Liturhiya ng Eukaristiya. Kahit walang Misa, ang liturhiya sa hapon ay bahagi ng Triduo na nagsimula noong gabi ng Huwebes kung kaya’t dapat makibahagi ang pamayanan dito.

Sa umaga, gawain ng Simbahan ang Panalangin sa Umaga (Morning Prayer) ng Panalanging Kristiyano sa Maghapon (Liturgy of the Hours). Malinaw na mas mataas ang gawaing ito sa iba pang panalangin i.e. Daan ng Krus kung kaya’t hindi dapat ito isantabi ng parokya. Ito ang tamang araw para gawin ang Daan ng Krus at hindi habang ginagawa ang Bisita Iglesia. Ang Daan ng Krus ay hindi dapat isabay sa liturhiya sa hapon. Maganda na gawin ito pagkatapos ng Panalangin sa Umaga.

Dapat bigyan ng tamang pagpapahalaga ang Panalangin sa Umaga at Pagdiriwang ng Pagpapakasakit ng Panginoon na pawang Liturhiya kaysa sa gawain debosyonal sa simbahan gaya ng Siete Palabras at Daan ng Krus. Hindi ibig sabihin ay tatanggalin ang Siete Palabras at Daan ng Krus, bagkus dapat itong mga gawaing ito ay tumuturo pabalik sa liturhiya sa araw na ito. Ang mga debosyong ito ay mga dagdag lamang sa panalangin ng Simbahan (i.e. Liturhiya).

Pangkalahatang Pakiramdam
Mahalaga sa pagdiriwang na ito ang pangkalahatang pakiramdam (ambiance) kung kaya’t maraming pagkakataon para sa tahimik na panalangin, walang gayak ang santuaryo, walang mga bulaklak, kandila at mantel ang altar, walang paglalahad ng kamay ang pari, at wala ring mga pagbati.

Pagpapatirapa
Magsisimula ang pagdiriwang sa tahimik na pagbalik sa santuaryo ng pari. Walang awit, walang maringal na prusisyon, ni hindi tatayo ang mga tao. Ang mga lingkod ay nakapuwesto na. Tahimik na lalakad ang paring tagapamuno mula sa sakristia papunta sa harapan ng dambana at doon sa harap nito ay dadapa ito. Lahat ng mga tao ay magsisiluhod at tahimik na mananalangin.

Liturhiya ng Salita
Matapos nito, tatayo ang tagapamuno at ang lahat ng natitipon. Hindi hahalikan ang altar. Magtutungo ang pari sa kanyang upuan at sasabihin ang panalangin. Hindi niya ilalahad ang kanyang kamay, ni hindi siya magsasabi ng ‘Manalangin tayo.’ Matapos nito, ipahahayag ang Salita ng Diyos. Sa unang pagbasa, maririnig natin ang isa sa mga awit ng nagdurusang lingkod ng Panginoon na tumuturo kay Kristo. Ayon sa ikalawang pagbasa, ginanap ni Kristo ang kanyang pagkapari sa kanyang kamatayan, inalay niya ang kanyang sarili gaya ng pag-aalay ng kordero, para ipagkasundo ang Diyos at sangkatauhan at iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Kung maaari ay aawitin ang Salmong Tugunan at dahil walang pagpaparangal sa Mabuting Balita, maaaring awitin ang koro ng Ubi Caritas o salin nito. Walang pagbati sa simula ng Mabuting Balita, wala ring pagkukrus sa aklat at sa noo. Maaaring ipamahagi ang pagpapahayag ng Mabuting Balita sa ilang tao habang pari ang gumaganap sa bahagi ni Kristo, ang bahagi ng taumbayan (crowd) ay maaaring ibigay sa mga tao habang pinamumunuan ng mga lingkod sa pag-awit (choir). Hangga’t maaari ay angkop ang boses ng gaganap sa tauhan sa pagbasa. Maaari ring gawing parang drama sa radio ang pagpapahayag ng pagpapakasakit at haluan ng awit ngunit hindi maaaring palitan ang pagpapahayag ng pag-awit ng Pasyon o ng isang pagtatanghal ng senakulo. Hindi palabas ang liturhiya. Ingatang huwag maging katawa-tawa ang gagawing pagpapahayag. Kapag mahusay ang pagganap sa bahaging ito, maaantig ang puso ng mga natitipon. Maaaring paupuin ang mga tao ngunit kailangan pa rin nilang tumayo at lumuhod – iminumungkahi na paupuin sa simula, patayuin kapag ipinapasan na kay Kristo ang krus, paluhurin sa punto ng kamatayan at patayuin hanggang katapusan.

Panalanging Pagkahalatan
Pagkatapos ng pagpapahayag, hindi hahalikan ang Aklat. Sabi sa Sakramentaryo, maaaring magbigay ng maikling homiliya o paliwanag pagkatapos. Pagkatapos nito, gaganapin ang Panalanging Pangkalahatan. Ang ginawang pag-aalay ng buhay ni Kristo ay para sa kapakanan ng lahat kung kaya’t ipinapanalangin sa sampung panalangin ang lahat – ang Simbahan, ang Papa, ang Obispo, Kaparian at lahat ng kaanib ng Simbahan, ang mga Inihahanda sa Binyag, ang pagkakaisa ng lahat ng Kristiyano, ang mga Hudyo, ang mga hindi Kristiyano, ang mga hindi naniniwala sa Diyos, ang mga umuugit sa pamahalaan at ang mga may tanging pangangailangan. Ang anyo ng Panalanging Pangkalahatan sa Biyernes Santo ay ang anyo na likas sa Simbahang Romano noong sinauna (ang anyo na ginagamit natin sa araw-araw ay nagmula sa Eastern Rite). Tatayo ang mga tao sa paanyayang manalangin at luluhod para manalangin at tatayong muli kapag pinahahayag ng tagapamuno ang panalangin. Maaari rin namang tumayo o lumuhod na lang ang lahat sa buong Panalanging Pangkalahatan. Pero kung luluhod, tandaan na pagkatapos nito ay luluhod na naman ang tao sa Pagpaparangal sa Krus na Banal.

Pagpaparangal sa Krus na Banal
Sa Pagpaparangal sa Krus na Banal, isang krus lamang ang gagamitin. Lalambungan ito ng pulang tela; sa paghahanda, dapat tandaan na unang tatanggalan ng takip ang ulunan, tapos ang kanang braso at tatanggalin sa huli. Mayroong dalawang paraan ng pagtatanghal sa krus at sa parehong paraan ipuprusisyon ang krus na may lambong patungo sa altar kasama ang dalawang lingkod na may dalang kandila. Sa unang paraan, dadalhin ito patungong altar kung saan tatanggapin ito ng tagapamuno sa gawi ng dambana at gagawin ang mga pagtatanghal sa lugar na ito. Sa ikalawang paraan, bababa ang tagapamuno at siya ang magpuprusisyon nito mula sa pintuan ng simbahan at gagawin ang pagtatanggal ng lambong at pagtatanghal sa pintuan, sa gitna ng simbahan at sa may gawi ng dambana. Tatanggalin ang lambong sa ulunan at itataas niya ito habang inaawit ang paanyaya at tutugon ang mga tao, pagkatapos, tatanggalin ang lambong sa kanang bahagi, muling itataas ito habang inaawit ang paanyaya at tutugon ang mga tao at sa pangatlo, tatanggalin ang buong lambong at itataas muli ang krus at gagawin ang sagutan. Matapos nito, ilalagay ang krus sa santuaryo sa pagitan ng dalawang kandila. Luluhod ang pari, mga lingkod at ang sambayanan sa harap ng krus at isa-isang pararangalan ito sa pamamagitan ng nakagawian i.e. paghalik. Maaari rin naman, kung masyadong marami ang mga tao at magtatagal (at dahil isa lang ang krus na maaaring gamitin), ay sabay-sabay na magparangal ang lahat sa pamamagitan ng pagluhod at tahimik na manalangin at saka na lamang pahalikan ang krus matapos ang pagdiriwang. Habang pinaparangalan ng krus na banal ay maaaring awitin ang mga Hinanakit (Reproaches) o ibang angkop na awitin.

Pakikinabang
Pagkatapos ng Pagpaparangal, gaganapin ang Komunyon, ang pakikinabang natin sa nasirang katawan ni Kristo. Lalagyan ng mantel at corporal ang altar. Tahimik na maghihintay ang lahat habang kinukuha ng tagapamuno/diakono/lingkod sa pakikinabang ang Banal na Sakramento. Maaaring maupo at tahimik na manalangin ang lahat. Ipapatong ang mga ciborium sa altar at mananalangin ang lahat ng Panalangin ng Panginoon. Pagkatapos nito, walang Panalangin para sa Kapayapaan at walang Kordero ng Diyos. Tahimik na magdadasal ang pari at pagkatapos, gaganapin ang pakikinabang sa karaniwang paraan. Pagkatapos nito, ang mga matitira ay ibabalik sa Altar of Repose o sa Tabernakulo, ngunit maaari rin na ubusin na lamang ito at mag-iwan na lang para sa mga maysakit.

Walang Paghayo
Pagkatapos ng Panalangin Pagkapakinabang, gaganapin ang pagpapanalangin sa sambayanan at wala muling paghayo. Maaaring iwan ang krus para sa patuloy na pagpapahalik at maaari na ring magsimula ang prusisyon ng Santo Entierro. Pagkatapos ng prusisyon ng Santo Entierro, maaaring ilagay ang imahen sa simbahan para sa mga tao.

Jeffrey Velasco
Hango mula sa Paschales Solemnitatis, Missale Romanum, Historical Development of Good Friday ni Genaro Diwa, Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit at Muling Pagkabuhay ng Panginoon ni Msgr. Andres Valera

Christus Anesti, Alithos Anesti: Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Pagpaparangal sa Ilaw

Magsisimula ang Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay (Easter Vigil) sa Pagpaparangal sa Ilaw (Service of Light). Gagawin ito sa isang lugar sa labas ng simbahan, hangga’t maaari sa lugar na kung saan makakapagprusisyon nang may bahagyang kahabaan ang mga tao. Sisindihan ang isang apoy at mula sa apoy nito ay sisindihan ang Cirio Paschale (Paschal Candle). Sa paghahanda ng apoy na ito, tandaan na hindi ito palabas kung kaya’t hindi kailangang gumamit ng pyrotechnics o ng karaniwang ginagamit na ‘bulalakaw.’ Naibabaling kasi sa mga ito ang pansin ng lahat sa halip na sa Cirio Paschale na sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ay tanda ng Panginoong Muling Nabuhay. Hindi rin kailangang malaki ang apoy dahil ipangsisindi nga ito ng kandila. Babasbasan ng tagapamuno ang apoy.

Ihahanda ng tagapamuno ang Kandila ng Pagkabuhay. Sa paglalagay ng mga tanda sa Kandila, gumamit ng espesyal na stylus – tandaan na ang ginagamit sa liturhiya ay hindi dapat basta-basta. Maaaring bago gawin ito ng pari ay magbigay ng katekesis ang commentator tungkol sa mga tandang ito o kahit bago pa ang pagdiriwang (kahit bago pa ang Triduo). Pagkatapos ihanda, ito ay sisindihan at iinsensuhan (ang uling ay sisindihan sa parehong apoy). Ang apoy ay hahayaan hanggang sa ito ay maubos (hindi maaaring sadyang patayin sapagkat ito’y binasbasan). Itataas ng diakono o ng tagapamuno ang Kandila habang sinasabi ang nakasaad sa Aklat ng Pagmimisa at tutugon naman ang tao. Lalakad ang lahat, pinangungunahan ng Cirio Paschale na dala ng diakono o ng tagapamuno. Pagsapit sa pintuan ng simbahan, itataas muli ng diakono o tagapamuno ang Kandila habang sinasabi ang nakasaad sa Aklat na tutugunan naman ng mga tao. Sisindihan ng lahat ang kani-kanilang kandila mula sa apoy ng Kandila ng Pagkabuhay. Magsisipasok ang lahat sa simbahan. Lalakad ang diakono o tagapamuno patungo sa dambana. Dito, itataas muli ang Kandila at magsasagutan. Sa tradisyon ng Simbahang Romano, sa ikatlong paanyayang ito sinisindihan ang lahat ng ilaw ng simbahan. Pero para sa mga Pilipino nakagawian nang patay ang ilaw hanggang Gloria, sapagkat ayon sa paliwanag, hindi pa magliliwanag habang Lumang Tipan pa ang binabasa – wala pa si Kristo. Ang Kandila ng Pagkabuhay ang tanda ni Kristong muling nabuhay.

Ilalagay ang Kandilang ito malapit sa Ambo, at ang liwanag nitong kandilang ito ang magsisilbing ilaw para pagnilayan ang Salita ng Diyos. Maaaring insensuhan ang Kandila. Sa buong panahon ng Pagkabuhay, itong kandilang ito lamang ang tatabi sa Hapag ng Salita (walang mga lingkod na may dalang kadelaryo). Ipahahayag ang Exultet. Kapag may diakono, hihingi siya ng pagbabasbas mula sa tagapamuno. Maaaring hindi diakono ang umawit ng Exultet, maaaring pari o maaaring cantor, na hindi na kailangan ng pagbabasbas. Kapag cantor ang aawit, hindi niya babanggitin ang mga bahagi na hindi para sa kanya. Maaaring insensuhan ang Aklat ng Exultet bago ang pagpapahayag. Mananatiling nakatayo ang lahat habang hawak ang kanilang kandilang may sindi. Matapos ang Exultet, papatayin ng lahat ang kanilang dalang kandila at magsisiupo.

Liturhiya ng Salita

Ang Liturhiya ng Salita sa gabing ito ay alaala ng sinaunang gawain na magninilay sa Salita ng Diyos hangga’t kaya ng oras. Mayroong siyam na pagbasa na nagbabaliktanaw sa kasaysayan ng kaligtasan, una kaligtasan para sa bayan ng Israel, hanggang sa para sa Simbahan, at para sa bawat Kristiyano – sa pamamagitan ng tinanggap (at tatatanggaping binyag). Maaaring paiksiin ang Liturhiya ng Salita ngunit hindi dapat ito paiksin dahil lamang sa katamaran o sa pagmamadali. Ang pagbabago o pagpapaiksi dito ay maka-aapekto sa pagdanas ng anamnesis ng mga tao.

Sa unang pagbasa, matutunghayan ang kuwento ng paglikha, ang unang yugto ng kaligtasan. Sa ikalawang pagbasa, maririnig ang kuwento ng pag-aalay ni Abraham ng kanyang anak na si Isaac – kuwentong kahalintulad ng pag-aalay ng Anak ng Diyos ng kanyang sarili para sa sangkatauhan. Sa ikatlong pagbasa, hahawiin ng Diyos ang dagat para sa bayang Israel, nang makatawid sila at maligtas mula sa kamay ng mga Ehipto. Sa ikaapat na pagbasa, inangkin ng Diyos na parang asawa ang bayang hinirang niya at pinangakuang iibigin nang walang hanggan. Sa ikalimang pagbasa, ibinibigay ng Diyos ang kanyang pagpapala, at inaanyahahan ang mga nauuhaw at nagugutom na tanggapin ito mula sa kanya. Sa ika-anim na pagbasa, ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang Karunungan, ang Salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Sa ikapitong pagbasa, ipinangangako ng Panginoon ang bagong buhay sa kanyang bayan na kanyang pagpapanibaguhin at lilinisin at pagkakalooban ng bagong puso at ng Espiritu upang mamuhay para sa kanya.

Sa pagbasa, maaaring magpakita ng angkop na larawan (hindi maaaring gumagalaw dahil maaagaw ang pansin sa pagpapahayag) sa projector para mas maintindihan ng tao ang binabasa.

Sa bawat pagbasa, may kasunod na Salmong Tugunan at panalangin. Mas gaganda ang pagdiriwang kung ang mga Salmong ito ay aawitin. Pareho ang mga pagbasa at salmo taun-taon kung kaya’t maganda kung makakapangalap ng piyesa ang mga parokya para dito para may magamit kada taon. Ang mga ihahaliling awit ay dapat halaw sa Salmo na nasa Aklat ng Pagbasa.

Aawit ng Gloria matapos ang panalangin sa ikapitong pagbasa. Sa nakagawian sa Pilipinas, sa puntong ito sisindihan ang lahat ng ilaw sa simbahan at gagayakan ang simbahan. Maaaring ipatong ang Aklat ng Mabuting Balita sa altar. Maaari ring insensuhan ang altar. Maaari rin na ikarakol (kung karaniwang ginagawa) ang imahe ng Pagkabuhay. Iwasan ang mga pagsasadula ng pagkabuhay at mga palabas na parang sa COD na kung saan ang imahen ay lalabas sa isang kuweba na may usok at mga tunog. Hindi sa isang punto sa pagdiriwang nabuhay muli si Kristo at kung may punto man, ito ay nang sindihan ang Kandila ng Pagkabuhay.

Ang Panalanging Pambungad ay ipahahayag ng tagapamuno matapos ang Gloria.

Sa ikawalong pagbasa na sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma, nararanasan ng Kristiyano ang kaligtasan sa binyag na kung saan namatay siya sa kasalanan at nabuhay muli kasama ni Kristo. Matapos ang pagbasa, aawitin ang Salmo na ang tugon ay Aleluya. Maaaring simulan ito ng tagapamuno gaya ng nakagawian sa Simbahang Romano. Ito ang tumatayong pagpaparangal sa Mabuting Balita. Magsisitayo na ang lahat at maaari nang iprusisyon ang Aklat ng Mabuting Balita. Ang Mabuting Balita ay patungkol sa di pagkakita ng mga babae sa bangkay ni Hesus sa bukas na libingan. Matapos nito, magbibigay ng homiliya.

Liturhiya ng Binyag

Napakahalaga ng Binyag sa pagdiriwang na ito dahil dito ipinakikita ang isang bagong buhay na hatid ng muling pagkabuhay ng Panginoon. Maaaring binyagan ang mga sanggol sa gabing ito, ngunit higit na makahulugan ang pagbibinyag sa mga may isip na. Ang mga catechumens ay hinubog sa loob ng 40 araw simula noong Miyerkules ng Abo. Nakiisa sila sa paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoon sa Binyag. Sa gabing ito, tanda ng pakikiisa kay Kristo, tatlong sakramento ang matatanggap ng mga binyagang nasa sapat ng gulang: ang binyag, kumpil at unang pakikinabang.

Ang lugar ng Binyagan o Baptismal Font ay dapat ihanda. Sa bawat simbahan ng parokya, napakahalaga ng lugar ng binyagan o baptismal font dahil ito ang sinapupunan ng Simbahan na kung saan ipinapanganak ang mga bagong miyembro nito. Ito ay hindi dapat isang palanggana na gawa sa metal o plastic, dapat ito ay may dignidad at kagandahan na nararapat sa kahulugan at kahalagahan ng Sakramento. Kung ang baptismal font ay hindi pa nababasbasan, ang gabi ito ay tamang oras upang gawin ang pagbabasbas.

Ang tubig pambinyag ay babasbasan sa gabing ito na siya namang gagamitin sa pagbibinyag di lamang sa gabing ito kundi sa buong Pasko ng Pagkabuhay. Iba ito sa Holy Water na pambabasbas ng mga imahen, bahay, at iba pa. Ito ay tubig na para lamang sa Binyag. May bibinyagan man o wala, dapat magkaroon ng pagbabasbas ng tubig ng binyag. Kung walang baptismal font na babasbasan at bibinyagan, ang pagbabasbas ng tubig ay gagawin kaagad.

Ang pagsamo sa mga Santo ay aawitin kung may bibinyagan. Hindi maaring magdagdag ng mga banal na tao na hindi pang idinedeklarang Santo ng Roma.

Bilang tanda ng ating pakikiisa sa misteryo ng Paskuwa ng Panginoon na ating natanggap noong tayo ay bininyagan, sinasariwa natin ang pangako natin sa Binyag: ang pagtalikod sa kasalanan at kasamaan at ang pagpapahayag ng pananampalataya sa Banal na Santatlo. Ang pagwiwisik ng tubig ng binyag ay gagawin din paalala ng ating binyag.

Sa panalangin ng bayan, ipapanalangin ang Simbahan, kaligtasan ng mundo, mga may tanging pangangailangan, ang pamayanan at ang mga bagong binyagan. Kasama dapat sa buong Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ang luhog para sa mga bagong binyagan.

Ang Pagdiriwang ng Eukaristiya

Ang Eukaristiya ay ang ritwal na pag-alala sa pagpapakasakit at muling pagkabuhay ni Kristo kung saan tayo naligtas, samakatuwid, ang laman ng buong Triduo. Ang pagdiriwang nito ay hindi dapat madaliin at dapat mapatingkad. Maganda rin na magkaroon ng paliwanag sa mga bahagi nito para sa bagong binyagan.

Maaring anyayahan ang mga bagong binyagan na ihandog ang tinapay at alak sa paghahandog ng mga alay.

Kung gagamitin man ang Unang Panalangin ng Papuri at Pasasalamat, may natatanging panalangin na dapat maisama para sa gabing ito.

Sa paghahati ng tinapay at sa paganyaya sa pakikinabang, maaring banggitin ng paring tagapamuno pagkatapos ng “Ito ang Kordero ng Diyos…” ang ilang pananalita ng pagpapaliwanag para sa mga bagong binyagan, na tatanggap ng unang pakikinabang, ang kahalagahan ng pagtanggap sa Katawan ni Kristo.

Easter Blessing

Ang natatanging pagbabasbas para sa pagidiriwang na ito ay dapat gamitin upang maging lakas ng mga dumalo para isabuhay ang diwa ng misteryo ng Paskuwa sa mundong kanilang ginagalawan.

Salubong

Para mabigyan nang karapatdapat na pagpapahalaga ang Magdamagang Pagdiriwang na ito (dahil madalas, sapaw ang Salubong), maaaring idugtong sa hulihan nito ang Salubong, na isa lamang debosyon. Sa ganitong paraan, hindi rin magiging masyadong mabigat para sa mga lingkod sa parokya ang Pasko ng Pagkabuhay.