Noon ang Apatnapung araw ng paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay o tinatawag nating Kuwaresma ay panahon para sa pampublikong pagsisi at pagbabago ng mga makasalanan, lalu na iyong mga mabibigat ang naging kasalanan. Ang pagsisising ito ay ipinapakita sa pamamagitan ng pagsusuot ng damit na gawa sa sako at paglalagay ng abo. Hindi nagtagal at nahinto ang lantarang pagsising ito, subalit nagpatuloy ang paglalagay ng abo bilang tanda ng pagsisi at pagbabago. Hanggang sa kasalukuyan tuluy-tuloy pa rin ang paglalagay ng abo sa noo ng mga nananampalataya sa unang araw ng Kwaresma.
Para saan ang abo? Ano ang inaasahan sa mga pinapahiran nito? Sa loob ng pagdiriwang ng misa inilalagay ang abo pagkatapos ng homily. Dalawa ang maaring pagpiliian kung ano ang sasambitin habang inilalagay ang abo. Una, “Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya.” Ikalawa, “Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan.” Ipinapahayag ng una ang hangarin ng Apatnapung araw na paghahanda – pagbabago ng buhay mula sa kasalanan tungo sa kabanalan at ang patuloy na paglago sa malalim na pagtanggap at pagsasabuhay sa Mabuting Balita. Ipinapahayag naman ng ikalawa ang tunay na kalagayan ng tao – may hangganan at marupok ang buhay, at tanging sa Diyos lamang makakatagpo ng kasiguruhan at buhay na walang hanggan. Samakatuwid, ipinapaalala ng abo na panandalian at may katapusan ang buhay dito sa lupa kaya’t di dapat sayangin sa kadiliman ng kasalanan, bagkus ituwid sa pamamagitan ng pagbabalik loob sa Diyos.
Fr. Dennis Soriano
No comments:
Post a Comment